Paghubog ng mga “future cybersecurity experts”, pinasisimulan sa basic education

Isinusulong ni Senator Sherwin Gatchalian na simulan sa basic education ang paghubog sa mga magiging eksperto ng cybersecurity.

Kasunod na rin ito ng plano ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na mag-alok ng mga short-course training programs para sa mga cybersecurity experts at mga software engineers na layong mapalakas ang cybersecurity ng bansa.

Iginiit ni Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, na ituro na ng maaga sa mga mag-aaral ang tungkol sa cybersecurity dahil sa sistema pa lang ng pagmumulan ng mga cybersecurity experts ay kulang na kulang na tayo.


Maaari aniyang ituro na sa junior high school ang coding at para pagdating sa senior high school ay mas makakagawa na sila ng mga kumplikadong gawain.

Pagsapit naman ng kolehiyo, umaasa si Gatchalian na sa antas na ito ay mayroon nang specialization sa cybersecurity ang isang estudyante.

Pinatataasan din ng senador ang enrollment rate sa Science, Technology, Engineering, and Mathematics (STEM) strand ng senior high school, kung saan maaaring magmula ang magiging mga eksperto sa cybersecurity.

Dagdag pa ng mambabatas, 16 percent lang ng kabuuang high school enrollment o 612,857 na mga mag-aaral sa senior high school ang naka-enroll lang sa STEM strand.

Facebook Comments