Paghuli ng PNP sa mga Nagsusugal sa Cagayan, Patuloy

Cauayan City, Isabela- Patuloy pa rin ang mga nagagawang accomplishment ng kapulisan sa Lalawigan ng Cagayan kaugnay sa mga nahuhuling nagsusugal o lumalabag sa PD 1602 (Illegal Gambling) sa magkakahiwalay na bayan sa naturang probinsya.

Anim (6) na katao ang naaresto ng PNP Lasam sa Brgy. Cabatacan East na naaktuhang naglalaro ng ‘Tong-its’.

Nakilala ang mga nahuli na sina Karen Quigao, 46 anyos, Harold Gamet, 34 anyos, Roy Capili, Gilbert Sagun, 40 anyos, Roderick Uy, 35 anyos at Jhake Acedo, 30 anyos na pawang mga residente ng Lasam.


Unang nakatanggap ng impormasyon ang himpilan ng pulisya na may kasalukuyang nagsusugal partikular sa nasasakupan ng isang Demeterio Pulpulan sa naturang barangay.

Nakumpiska sa lugar at pag-iingat ng mga suspek ang dalawang (2) set ng baraha, isang (1) lamesa at pera na nagkakahalaga ng kabuuang Php5,950.

Dinala sa pulisya ang mga naarestong suspek at nakuhang ebidensya para sa dokumentasyon at disposisyon.

Samantala, pinaghahanap naman ng otoridad ang tatlo (3) pang indibidwal na naaktuhang nagsusugal sa isang lamay sa Brgy. Leron, Buguey, Cagayan.

Agad na nagsitakbuhan sina Orit Pagela, Melicel Tollo, at Bong Lazo na pawang mga residente ng Buguey, Cagayan matapos na matunugan ang pagdating ng mga pulis sa lugar.

Naabutan ng mga kasapi ng PNP Buguey sa lugar ang bet money na nagkakahalaga ng Php887.00 na naiwan sa lamesa at dalawang (2) set ng Mahjong tiles na nasa kustodiya na ng pulisya.

Facebook Comments