Manila, Philippines – Iginiit ni Senator Christopher Bong Go kay Vice President Leni Robredo na sa halip husgahan ang war on drugs ng administrasyong Duterte ay mainam na pakinggan nito ang ordinaryong mamamayan.
Katwiran ni Go, ang mga ordinaryong mamamayan ang direktang nakikinabang sa drug war at sila ang nagsasabing mas ligtas sila ngayon kaysa noong panahon ng nagdaang administrasyon.
Sa tingin ni Go, ay may mali sa batayan ni VP Leni kaya one percent lamang ang gradong ibinigay nito sa kabila ng mga ginawang hakbang ng gobyerno kaugnay sa walang humpay na kampanya kontra ilegal na droga.
Diin ni Go, ang drug war ay dapat magpatuloy dahil habang nandyan pa ang mga adik, mga drug lords, at ang kasakiman sa pera, ay hindi agad-agad mawawala ang supply ng shabu sa bansa na patuloy na nambibiktima sa mga inosente.
Ayon kay Go, nirerespeto nya ang mga rekomendasyon ni Robredo pero hindi aniya madadaan sa salita lamang ang kampanya laban sa ilegal na droga sapagkat ang dapat ay takutin at handang pumatay ng masama para sa kabutihan ng mga inosenteng Pilipinong apektado nito.