Binatikos ng iba’t ibang anti-communist groups at civil society organizations si House Speaker Lord Allan Velasco dahil sa umano’y patuloy na pagpanig nito sa mga Makabayan Bloc na itinuturong front o kasapi ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDF).
Inamin ni Hands Off Our Children Founder Gemma Labsan na diskumpiyado sila kay Velasco dahil sa umpisa pa lamang ay nakikita na ang pagiging bias nito sa isyu ng Makabayan Bloc.
Kung neutral aniya si Velasco ay dapat parehong panig ang kanyang pinapakinggan at dapat na mas matimbang sa Speaker ang nakakarami.
Tiniyak nito na sa kabila ng ipinapakitang bias ni Velasco ay hindi pa rin sila titigil sa pagkalampag dito hanggang sa umaksyon at gampanan ang kanyang tungkulin sa bayan.
Samantala, nagpahayag naman ng kasiguruhan si Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite na hindi makikinig si Velasco sa panawagang imbestigahan ang mga leftist solons.
Sinabi ni Gaite, malinaw na may pressure para idiin sila ngunit naniniwala silang hindi makikinig dito ang House Leadership dahil wala namang mga matibay na ebidensya ang mga akusasyong ibinabato sa kanila.
Naniniwala naman si Labsan na kung hindi aaksyon si Velasco ay hindi matitigil ang recruitment sa mga kabataan sa NPA at hangga’t nasa Kamara ang Makabayan Bloc ay gagamitin nila itong platform para makapanghikayat ng mga bagong miyembro.