Pinababalangkas ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang Inter Agency Task Force (IATF) at Commission on Election (COMELEC) ng kinakailangang health protocols at contigencies para sa 2022 elections.
Plano rin ni Zubiri na ibigay sa mga kinuukulan ang kaniyang privilege speech at mga dokumento na nagpapakitang karamihan sa mga Pilipino ay takot lumabas para bumoto dahil sa COVID-19.
Giit naman ni Senator Nancy Binay sa COMELEC, tiyaking magiging COVID-proof ang darating na halalan para maproteksyunan laban sa virus ang mga botante.
Ilan sa binanggit ni Binay para ito ay makamit ay ang pagbabakuna sa mga guro na mamamahala sa mga polling precincts na dapat isailalim din sa disinfection at lagyan ng mga alcohol.
Sinang-ayunan din ni Senator Bato dela Rosa ang kahalagahan ng mahigpit na health protocols sa eleksyon na mainam din aniyang paabutin ng dalawang araw para hindi magkumpol-kumpol sa presinto ang mga botante.
Ayon naman kay Senator Koko Pimentel, dapat matuloy ang eleksyon at anumang aktibidad na kaugnay nito kahit may pandemya o anumang antas ng community quarantine.
Sabi ni Pimentel, dapat siguraduhin ng COMELEC na matutuloy at magiging ligtas laban sa COVID-19 ang filing ng Certificate of Candidacy (COC), campaign period at election day.
Paliwanag ni Pimentel, ito ay para masiguro na may mandato ng taumbayan ang susunod na mananalong pangulo na magmamana sa lahat ng problema ng bansa.