Wala umanong plano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na maging diktador o kontrolin ang gobyerno sa gitna ng pagsusulong na maamyendahan ang economic provisions ng Saligang Batas.
Ito ang sagot ng pangulo nang matanong sa isang panayam kung paano nito naiiwasan ang mga udyok ng authoritarianism gaya ng ginawa ng kaniyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Ayon kay Pangulong Marcos, bagama’t nais niyang baguhin ang ilang probisyon ng Konstitusyon, ay hindi kasama rito ang authoritarian system.
Hindi aniya niya pinangarap na maging diktador o kontrolin ang pamahalaan dahil maganda ang umiiral na sistema sa bansa at mahusay ang saligang batas na ginagamit sa loob ng nakalipas na 36 na taon.
Muling nilinaw ng pangulo na ang mga probisyong may kinalaman lamang sa ekonomiya ang nais niyang maamiyendahan sa Saligang Batas.