Pagiging DOH Secretary, hindi inalok ni PBBM kay Health OIC Vergeire

Inamin ni Department of Health (DOH) Officer-in-Charge (OIC)Maria Rosario Vergeire na hindi inalok sa kaniya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., (PBBM) ang pagiging kalihim ng nasabing kagawaran.

Ayon kay Vergeire, ang hiniling lamang sa kaniya ng pangulo ay tumayo bilang OIC at ipagpatuloy ang mga ginagawa niya sa DOH.

Kaya naman, tiniyak ni Vergeire na tuloy-tuloy ang kaniyang trabaho sa DOH kahit anumang posisyon ang ibigay sa kaniya ni Pangulong Bongbong Marcos.


Paliwanag din ni Vergeire na “career official” siya at tatlong dekada na siyang naglilingkod sa DOH kaya naman nais niya magsilbi sa naturang kagawaran hanggang magretiro siya.

Hinimok naman ng opisyal ang publiko na hintayin na lamang ang anunsyo ng pangulo hinggil sa susunod na Health secretary.

Matatandaang, inihayag ni PBBM na magtatalaga lang siya ng DOH Secretary kapag naging normal na ang naging sitwasyon ng bansa mula sa COVID-19 pandemic.

Una na rin ibinunyag ni dating DOH Secretary at ngayon ay Iloilo Representative Janette Garin na ang posisyon bilang kalihim ng DOH ay inalok sa ilang mga doktor ngunit tinanggihan nila ang posisyon.

Facebook Comments