Binatikos nina opposition senators Leila de Lima at Risa Hontiveros ang pag-amin ni Pangulong Rodrigo Duterte na joke lang ang kanyang inihayag noong 2016 campaign period na mag-jet ski siya sa West Philippine Sea (WPS) para itayo ang watawat ng Pilipinas.
Sabi ni De Lima, pinatunayan lang ng pag-amin ni Pangulong Duterte na wala talaga siyang planong ipaglaban ang soberenya ng bansa at karapatan sa West Philippine Sea.
Dismayado si De Lima na joke lang para kay Duterte ang napaka-importanteng isyu sa bansa kaya patuloy ang pagkamkam ng Tsina sa ating teritoryo at pagnakaw sa kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino.
Para kay De Lima, si Pangulong Duterte ang isang napakalaking joke na nangyari sa bansa na hindi nakakatawa.
Giit naman ni Senator Risa Hontiveros, kahit kailan ay hindi rin naging katatawanan ang isyu sa West Philippine Sea dahil ito ay seryosong hinaharap ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Navy (PN), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at ito rin ay seryosong banta sa buhay at kabuhayan ng mga mangingisda.
“Matagal nang walang natatawa sa mga joke ni President Duterte. Kung joke lang pala ‘yung mga plataporma niya noong nanliligaw siya sa mga botante, ibig sabihin, joke din ba ang turing niya sa pagiging Presidente? Labing-anim na milyong Pilipino ang umasang ipaglalaban niya ang bandera ng Pilipinas sa West Philippine Sea, kung sa jet ski man ‘yan, o sa pananalita man lang. Taos-puso silang nanalig sa kanya. Tapos, sa huli, ganito pala ang mapapala nila? Bakit niya kailangang paglaruan ang mga naniwala sa kanya?” pahayag ni Sen. Hontiveros.