Ipinawalang bisa ng Korte Suprema ang pagiging kinatawan ni Congressman Romeo ‘Jonjon’ Jalosjos sa Unang Distrito ng Zamboanga del Norte.
Habang idineklara naman ng SC si Roberto Uy Jr., bilang bagong 1st District Representative ng Zamboanga del Norte.
Si Uy ay kumandidato noong 2022 Elections sa Unang Distrito ng Zamboanga del Norte.
Nakakuha siya ng 69,591 na boto laban kina: Romeo Jalosjos alyas Kuya Jonjon, na may 69,109 votes; Frederico “Kuya Jan” Jalosjos na may 5,424; at Richard Amazon na may 288 votes.
Pero bago ang halalan, nagsumite ng petisyon si Romeo Jalosjos para ideklara si Frederico Jalosjos bilang isang nuisance candidate at kanselahin ang kanyang certificate of candidacy.
Nakasaad sa petisyon na, hindi kailanman nakilala si Frederico Jalosjos bilang “Kuya Jan,” na katulad ng tunog ng alyas ni Romeo Jalosjos na “Kuya Jonjon.”
Kasunod nito, idineklara ng Commission on Elections (COMELEC) si Frederico Jalosjos bilang isang nuisance candidate noong April 19, 2022, dahilan upang masuspinde ang proklamasyon ni Uy.
Ibinigay ng COMELEC ang 5,424 na boto ni Frederico Jalosjos kay Romeo Jalosjos at ipinroklama siyang Zamboanga del Norte 1st District Rep. noong June 23, 2022.
Dahil dito, parehong nagtungo sina Uy at Frederico Jalosjos sa Korte Suprema para labanan ang proklamasyon ni Romeo Jalosjos.
Sa desisyong pumabor kay Uy, nakitaan ng SC ng mga iregularidad ang utos ng Comelec en banc na nagsuspinde sa proklamasyon ni Uy at sinabing ang mga kandidatong may pinakamataas na boto ay dapat na agad na iproklama.
Sinabi rin ng korte na hindi maaaring makialam ang dating COMELEC Chairman na si Saidamen Pangarungan sa proklamasyon ni Uy sa pamamagitan ng pagtawag sa Provincial Board of Canvassers chair para kumpirmahin ang authenticity ng COMELEC order na nagsuspinde sa proklamasyon.