Naging maayos ang unang araw ng implementasyon ng Alert Level System sa Metro Manila.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Usec. Jonathan Malaya, ito ay dahil naging maliwanag sa mga Local Government Unit (LGU) ang mga pamantayan sa ilalim ng policy shift na ito.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Usec. Malaya na ito ay dahil na rin sa kaliwa’t kanang konsultasyon na ginawa ng Inter-Agency Task Force (IATF) kasama ang mga alkalde ng National Capital Region (NCR), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at iba pang opisyal ng pamahalaan.
Ang mga LGU aniya ay nagpadala ng mga tauhan sa mga pinapayagang magbukas na mga establisyemento sa ilalim ng Alert Level 4 upang matiyak ang compliance ng mga ito.
Habang katuwang din ng mga LGU ang hanay ng Philippine National Police (PNP) upang matiyak na nasusunod ng publiko ang mga umiiral na minimum public health protocols.