Tiniyak ng pamunuan ng Philippine Vaccine Expert Panel na lahat ng mga bakuna kontra COVID-19 ay mabisa at epektibo laban sa virus.
Kasunod ito ng pagkabahala ng publiko matapos ang ‘brand-agnostic vaccination policy’ ng Department of Health (DOH) kung saan hindi na iaanunsyo ng mga Local Government Units (LGUs) ang brand o tatak ng bakuna sa isang partikular na vaccination site na layong maiwasan ang pagdumog ng mga tao.
Ayon kay Dr. Nina Gloriani, Head ng Vaccine Expert Panel, sana ay maiwasan ang pamimili ng bakuna dahil hindi naman malayo sa bawat isa ang efficacy o bisa nito laban sa virus
Hinikayat naman ni Gloriani ang publiko na magpabakuna na nang anumang brand ng COVID-19 vaccines dahil dumaan naman ito sa pagsusuri bago payagang maiturok sa bansa.
Sa ngayon, maliban kay Gloriani pinakiusapan na rin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya ang publiko na huwag nang maging choosy sa COVID-19 vaccine brand.
Bagama’t kasi aniya hindi kasing-ganda ng ibang bansa ang vaccination program dahil sa kakulangan sa panahon ay importante pa rin na hindi na maging mapili sa bakuna.