
Hindi porke’t magkarelasyon, maaaring pilitin makipagtalik ang isang babae.
Ito ang binigyang diin ng Korte Suprema kung saan hindi umano dahilan ang pagkakaroon ng relasyon para pilitin na makipag-siping.
Sa desisyong akda ni ngayo’y retired SC Associate Justice Mario Lopez, hinatulang guilty sa rape si Jhopet Hernandez Toralde matapos nito takutin ang 14-anyos na umano’y nobya at piliting makipagtalik.
Pinuntahan ng lalaki sa bahay ang dalagita pero wala ang kaniyang pamilya at dito na siya pinilit na makipagtalik.
Hindi naman pumayag ang biktima at kalaunan ay tinakot na ipapakita ang video nilang naghahalikan.
Sa nangyaring paglilitis, iginiit ng panig ni Toralde na hindi pinilit ang dalagita na makipagtalik dahil magkarelasyon umano ang dalawa o ‘yung “sweetheart theory.”
Hindi naman ito kinatigan ng Kataas-taasang Hukuman at iginiit na kailangang mayroong malinaw na katibayan na may consent ang pagtatalik.
Sexual abuse ang unang hatol kay Toralde sa ilalim ng Anti-Child Abuse Law ngunit itinaas ng SC sa rape sa ilalim ng Revised Penal Code.
Nahaharap ito sa parusang reclusion perpetua bukod pa sa utos ng Korte na magbayad siya ng P225,000 sa biktima.









