Muling iginiit ng Korte Suprema na hindi dahilan ang kahirapan o kakulangan ng pondo para ideklara ang isang indibidwal bilang nuisance candidate.
Sa desisyon na sinulat ni Senior Associate Justice Marvic Leonen, nilinaw ng Supreme Court (SC) En Banc sa kaso ni Juan Olila Ollesca na hindi dapat kanselahin ang Certificate of Candidacy (COC) dahil lamang kulang ang resources nito para magsagawa ng nationwide campaign.
Si Ollesca ay naghain ng kandidatura sa pagka-presidente noong 2022 pero idineklarang nuisance candidate ng Commission on Elections (COMELEC) dahil hindi raw siya kilala at walang pondo para sa malawakang kampanya.
Kalaunan, binaliktad ng SC ang ruling ng poll body at iginiit na may karapatan ang kahit sino na tumakbo sa public office.
Kailangan lang aniya ng Comelec na kilatising mabuti at patunayan kung totoong nuisance o panggulo lamang ang isang indibidwal gaya ng hindi seryoso sa pagtakbo at layon lamang lituhin ang mga botante.
Sa kabila niyan, hindi raw sapat na dahilan para ideklarang nuisance ang isang kandidato kung hindi lang ito miyembro ng political party, hindi kilala at mababa ang tyansang manalo sa halalan.