Pagiging mandatory sa pagpapabakuna, hindi pa napapanahon ayon sa Palasyo

Hindi pa nakikita sa ngayon ng Palasyo na dapat gawing mandatory ang pagpapabakuna.

Reaksyon ito ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque makaraang maghain ng panukalang batas sa mababang kapulungan ng Kongreso si Cavite 2nd District Rep. Elpidio Barzaga na nag-re-require sa kada Pilipino na mabakunahan ng alinmang anti-COVID-19 vaccine.

Ayon kay Roque, bagama’t may kapangyarihan ang Estado na gawin ito, hindi pa ito napapanahon dahil nananatiling kakaunti ang suplay ng bakuna sa bansa.


Sinabi pa ng kalihim na sa ngayon ay wala pang posisyon hinggil dito si Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaang sa nasabing House Bill No. 9252, ang sinumang indibidwal na tumangging magpabakuna ay hindi papayagang pumasok o makibahagi sa alinmang mass gathering, ito man ay government o privately owned.

Habang ang mga mayroong medical conditions na pinayuhan ng kanilang mga doktor na ‘wag magpabakuna ay makakakuha ng exemption.

Sa ngayon, tanging Sinovac at AstraZeneca vaccines pa lamang ang nasa bansa pero inaasahang pagsapit ng 3rd hanggang 4th quarter ng taon ay dadami na ang suplay ng bakuna sa bansa.

Facebook Comments