
Nilinaw ng Korte Suprema na hindi hadlang ang pagiging Overseas Filipino Worker (OFW) ng isang indibidwal para igawad sa kaniya ng korte ang parental authority at sole custody sa mga anak.
Sa desisyon ng Supreme Court Second Division na sinulat ni Associate Justice Jhosep Lopez, nakasaad na maaari pa ring mapunta sa kustodiya ng isang ina ang anak kahit nagtatrabaho ito sa ibang bansa.
Binigyan din ng korte ng provisional custody ang lola ng mga bata na kasama nila sa bahay sa Pilipinas.
Sa isang petisyon, isang ama ang humiling na mapasa-kaniya ang kustodiya ng dalawang bata dahil wala naman sa Pilipinas ang ina ng mga ito na dati niyang asawa.
Umabot sa Korte Suprema ang desisyon mula sa Regional Trial Court (RTC) pero sa huli ay pinagtibay ng SC ang desisyon ng Court of Appeals.
Nakasaad dito na hindi maituturing na “absent” ang isang ina bilang magulang dahil lamang nagtatrabaho ito bilang OFW.
Isa sa isinaalang-alang ang patuloy na pagsuporta ng ina gaya ng pagpapadala ng mga pera at pagsubaybay sa mga ito sa pamamagitan ng CCTV.
Habang ayon pa sa SC, hindi raw karapat-dapat ang ama na nagpetisyon matapos matuklasan na nag-iinom, naninigarilyo at ang marahas na pag-uugali nito.
Nasanay na rin daw ang mga bata na mamuhay kasama ang kanilang lola.