Nananatiling matibay ang posisyon ng mga labor group na hindi dapat maipagpaliban ang pagbibigay ng 13th month pay sa mga manggagawa.
Ayon kay Kilusang Mayo Uno (KMU) Secretary General Jerome Adonis, hindi makatwiran na hindi magkaroon ng bonus ang mga manggagawa dahil nakasaad ito sa batas.
Aniya, maituturing na economic at criminal act sakaling magdesisyon si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na gawing opsyon ang pagbibigay ng 13th month pay.
Dagdag pa ni Adonis, nauunawaan nila na malaki ang impact ng COVID-19 pandemic sa mga negosyo.
Pero sa halip na tanggalan ng 13th month pay ang mga manggagawa, iminungkahi ng grupo na maglaan ng subsidiya ang national government sa mga maliliit na negosyo para matulungan silang makapagbigay ng bonus sa kanilang mga empleyado.
“Itong si Secretary Bello ay dapat manindigan. Kung kinakailangan nilang mag-slash ng certain amount sa DOLE budget at strongly i-propose nila sa national government na i-bail out ang 13th month pay ng mga manggagawa bilang tulong dun sa MSMEs. Kung distressed sila dapat may gawing intervention ang national government, dapat may gawin sila,” ani Adonis.
Ayon naman kay Bello, kakausapin niya si Department of Finance Secretary Carlos “Sonny” Dominguez hinggil sa suhestiyon ng mga labor group at employer na magpa-subsidized sila sa gobyerno para sa 13th month pay ng kanilang mga manggagawa.
Giit ng kalihim, mahalagang timbanging mabuti ang interes ng mga manggagawa at employers.
“I always look at business as a partnership between labor and management. So kailangan, we have to come up with a solution, a formula that will address the interest both of the labor and the management group,” pahayag ni Bello sa interview ng RMN Manila.