Sa kabila ng init ng panahon at pag-ulan, libo-libong taga suporta ni Vice President Leni Robredo ang dumalo sa people’s rally sa Tarlac noong Miyerkules para ipagsigawan ang pakikiisa nila sa hangarin niya sa magandang bukas para sa Pilipinas.
Sinopresa ni Queen of All Media Kris Aquino ang higit kumulang na 50,000 na katao nang bigla siyang dumating sa Puso Tarlac Grand People’s Rally.
Hindi nagpapigil na dumalo at magsalita sa rally ni Kris, ang bunsong kapatid ng yumaong dating Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III, sa kabila ng mga karamdaman at nakatakdang medical procedures sa Estados Unidos.
Ibinahagi ni Kris ang ilang laman ng liham ng yumaong kapatid para kay VP Leni, kung saan sinabi niyang kay VP Leni niya nakita ang sinseridad at abilidad na unahin ang taumbayan bago ang sarili kaya ipinangako niya sa sarili na ipaglalaban si VP Leni dahil sa kanya bilib ang kapatid.
“And totoo naman eh. Marami silang qualities na pareho. Number 1, kahit na kung ano-ano na ang binabato, hindi pumapatol. Number 2, hindi papicture nang papicture lang. Number 3 na pinaka importante, sigurado ako na kagaya ni Noy, matuwid na daan dahil hindi nanakawin ang pera ninyo dahil nakita ko po kung gaano kasimple siya,” ani ni Kris.
Dumalo rin sa rally ang aktres at masugid na tagasuporta ni VP Leni na si Angel Locsin kung saan inilatag niya kung bakit siya naniniwala sa abilidad ni Robredo para maging susunod na pangulo ng bansa.
“Si VP Leni, kahit ano na pong ibato niyo sa kanya, sabihin na natin lahat ng intriga, lahat ng fake news, pero walang makakadeny sa lahat ng bagyo, sakuna, pandemya, hindi nila tayo pinabayaan. At ganyan ang kailangan natin. Yung taong nandidiyan para sa atin, hindi yung tuwing kailangan lang nila tayo. Tama po ba?” sigaw ni Angel.
Pagtutuunan ng pansin ni VP Leni ang taunang ₱50 million na budget para sa pabahay.
Maraming informal settlers sa Metro Manila ang inaasahang makikinabang dito.
Kapag nahalal na pangulo sa darating na eleksyon, pangako ni Robredo na aayusin niya ang gobyerno at ibabalik ang tiwala rito ng mga tao, lalo na sa usapin ng maayos na healthcare system, trabahong may sapat na kita, dekalidad na edukasyon, matatag na agrikultura, maaasahan na transportasyon at malakas na negosyo.
“Dahil kapag hindi po natin inayos ‘yung gobyerno wala ding pagbabagong kailangang–wala din tayong pagbabagong maaasahan. Magkakaroon lang po ng pagbabago kapag tayo sama-sama nagdesisyon na aayusin natin ‘yung pamahalaan. Pero ito po, magdedesisyon lang ang taong tutulong siya kapag nagtitiwala siya sa kaniyang gobyerno,” sinabi ni VP Leni.