Pagiging Protektor ng Ilang Pulis sa Illegal Logging sa City of Ilagan, Pinabulaanan

Cauayan City, Isabela- Pinabulaanan ng pinuno ng 201st Maneuver Company ng 2nd Regional Mobile Force Battalion na nakahimpil sa barangay Sindon Bayabo, City of Ilagan Isabela ang ibinabatong paratang ng ilang mamamayan na sangkot umano ang mga pulis sa illegal logging activity sa Lungsod.

Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj. Avelino Canceran Jr., team leader ng 201st Maneuver Company, hinahamon nito ang mga taong nagsasabi na sila ay protektor ng mga nagpupuslit ng mga pinutol na kahoy na mismong idinadaan umano sa kanilang binabantayang checkpoint na maglabas ng konkretong ebidensya hinggil sa akusasyon.

Kanyang sinabi na madali lamang manira ng kapwa sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mensahe sa social media ngunit wala namang matibay na ebidensya.


Kasunod na rin ito ng mga impormasyong natatanggap ng 98.5 iFM Cauayan mula sa ilang concerned citizen sa barangay Sindon Bayabo na madalas umano ang paglabas ng mga pinutol na kahoy sa mismong binabantayang checkpoint ng mga pulis.

Paliwanag naman ni PMaj Canceran, regular aniya ang kanilang pagbabantay sa checkpoint at mula alas 8:00 ng gabi hanggang alas 5:00 ng umaga ay sarado ang mga kalsada kaya’t imposible aniya ang ipinupukol sa kapulisan.

Kanyang sinabi na kung mayroon man mga nakitang nagpupuslit ng kahoy ay posibleng dumadaan ang mga ito sa ibang ruta na hindi makikita at masisita ng mga pulis.

Kaugnay nito, mas mabuti aniyang makipagtulungan na lamang sa mga alagad ng batas upang matugunan ang paratang, maging responsable sa pagpapakalat ng impormasyon, huwag manira sa kapwa bagkus ay makiisa para mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa lugar.

Facebook Comments