Naniniwala si National Irrigation Administration (NIA) Administrator Engr. Eduardo Guillen na kayang makamit ng bansa ang target na rice sufficiency pagsapit ng taong 2028.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Guillen na magagawa ito sa pamamagitan ng Masagana Rice Industry Development Program na inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ng opisyal na hindi na lang NIA ang kumikilos para dito, kundi katuwang na nila ang iba pang mga ahensya ng pamahalaan hindi lamang ang Department of Agriculture (DA), kundi maging ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa ilalim aniya ng programa ay sama-sama na ang national government agencies sa pagbibigay-serbisyo sa mga magsasaka.
Makakatuwang din aniya nila ang DA sa pamamagitan ng pamimigay nito ng high value crops kapag dry season o mga uri ng pananim na pwedeng itanim sa mga lugar na hindi mapatutubigan lalo ngayong umiiral na ang El Niño phenomenon.
Bibigyan din aniya ng tamang suporta ang mga magsasaka para mahikayat ang mga ito na magtanim ng hybrid rice.
Bukod dito, hindi na lamang din aniya mananatiling simpleng magsasaka ang mga nagbubukid, kundi bibigyan na rin ng tamang pagsasanay at tamang suporta o equipment at makinarya para maiproseso ang kanilang mga inaaning produkto at maialok sa merkado.