Pagiging servant leader, ipinakitang pilosopiya ni PBBM sa kanyang inagurasyon kahapon; roadmap ng administrasyon sa loob ng 6 na taon, bigong mailatag

Hindi kuntento ang isang political analyst sa naging inaugural speech ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kahapon.

Ayon kay Atty. Michael Henry Yusingco, hanggang ngayon ay hindi pa rin malinaw kung magiging anong klaseng administrasyon ang administrasyong Marcos dahil hindi naman ipinakita sa talumpati kung paano siya magiging presidente.

Aniya, tila nagtunog kampanya o State of the Nation Address (SONA) ang talumpati ni Marcos na dapat sana ay inilaan niya sa paglalatag ng roadmap sa kung ano ang tatahakin ng kanyang administrasyon sa loob ng anim na taon.


“Palagay ko nagkulang ang talumpati niya sa pagbibigay sa atin ng inspirasyon kumbaga na, ito na, panibagong simula, ito na ngayon ang ating bagong pangulo, sasama na tayo sa kanyang paglalakbay,” ani Yusingco sa panayam ng RMN Manila.

“Hindi pa rin talaga malinaw kung ano yung magiging administrasyon ng incoming president kasi yung talumpati niya, hindi nagbigay sa atin ng isang malinaw na picture kung paano siya magiging president. Siguro ang pinaka-safe assessment is it will just be a continuation of the Duterte administration,” dagdag niya.

Sa kabila nito, ikinatuwa ni Yusingco ang pagbibigay ni Marcos ng assurance sa publiko na hindi siya magtatrabaho bilang pangulo nang walang alam at puro pangako.

“Kumbaga ina-assure niya tayo na ‘hindi ako papasok sa trabahong ‘to nang walang alam.’ Kasi madalas yan ang pintas sa kanya noong kampanya di ba, na hindi ka naman ekspirsyensyado,wala kang trabaho for the past six years, kumbaga ikaw ay underserving candidate. Pero makikita natin sa talumpati niya na he is not coming into this job nang walang alam. He knows what the problems are, naa-appreciate niya yung challenges at nakikita mo naman na he knows na a lot of sacrifices need to be done. At least, hindi siya lutang na papasok sa pagka-pangulo, hindi lang puro pangako in other words,” sabi pa ng political analyst.

Para naman sa political analyst din na si Prof. Antonio Contreras, ipinakita ni Marcos sa kanyang talumpati ang pagiging isang servant leader.

Partikular dito ang tila pahayag ni Marcos na kahit walang partisipasyon ang mga tao ay gagawin niya ang kanyang trabaho sa gobyerno.

Pero aminado si Contreras na kritikal din ang nasabing pilosopiya ni Marcos dahil mahalaga pa ring sangkap ng good governance ang transparency at partisipasyon ng mga mamamayan.

Facebook Comments