Pinuna ni Vice President Leni Robredo ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya kayang magmatapang sa China.
Matatandaang sinabi ni Pangulong Duterte na iniiwasan lamang niyang magkaroon ng komprontasyon sa China dahil posibleng mauwi ito sa bagay na hindi kakayanin ng bansa.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na kahiya-hiya sa mga Pilipino ang sinabi ng Pangulo.
Binigyang diin ni Robredo na numero unong obligasyon ni Pangulong Duterte na ipaglaban ang karapatan ng bansa.
Dagdag pa ni Robredo, napabugtong-hininga na lamang siya nang basahin niya ang statement ng Pangulo at ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Kahit paulit-ulit nilang sinasabing pinapahalagahan ng Pilipinas ang kalayaan at soberenya nito, tingin ni Robredo na tila natatakot ang Pangulo sa China.
Iginiit ni Robredo na hindi dapat ginagawang palusot ang pagiging takot para hindi protektahan ang karapatan ng bawat Pilipino.
Ang pahayag ng Pangulo ay may kinalaman sa bagong Coast Guard Law ng China kung saan pinapayagan ang mga coast guards nito na barilin ang mga banyagang barkong papasok sa South China Sea.