Naniniwala si Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles na ang ipinakikitang sinseridad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang pamumuno at harapang pagresolba sa mga hamon ng COVID-19 pandemic ang dahilan para makuha nito ang mataas na public trust at approval ratings.
Ayon kay Nograles, ang tunay na pamamahala at “walang filter” na public address ng Pangulo sa panahon ng krisis ang nakatulong sa kaniya para makamit ang mataas na ratings sa pinakahuling survey.
“Hindi naman talaga siya Superman pero nakikita ng mga kababayan natin na talagang sumusubok siya, naghahanap ng paraan, at gumagawa ng paraan at mabilis ang aksyon,” sabi ni Nograles.
“Palagay ko dahil sa sincerity at honesty na ‘yan, dun talaga ang taumbayan. Tuwing nagsasalita ang Pangulo, nakikinig, nanood ang tao. Nararamdaman at nakikita nila. Hindi nafe-fake ‘yun, kumbaga hindi napepeke. At hindi siya talaga peke,” dagdag pa niya.
Makikita aniya ang ‘puso’ ni Pangulong Duterte sa tuwing haharap at kukumustahin ang bayan.
Hindi na aniya uso ngayon ang government leaders na mapagpanggap.
“Hinahanap ng tao walang pakyeme-kyeme, walang filter, walang paarte-arte. ‘Kausapan ninyo kami, ano ba talaga,” ani Nograles.
Sa pinakahuling Pulse Asia survey, tumaas sa 91% ang trust at approval ratings ni Pangulong Duterte.