Isinusulong sa Kamara ang panukalag nag-aatas sa mga ospital na gawing transparent sa mga pasyente ang kanilang medical bills.
Ang panukala ay kaugnay na rin sa palaging sitwasyon ngayong COVID-19 pandemic kung saan nabibigla ang mga pasyente sa napakalaking medical bill dahil hindi alam na isinama pala rito ang bayarin sa Personal Protective Equipment (PPE) at kwarto.
Sa ilalim ng House Bill 8331 o Medical Bill Transparency Act ni Albay Representative Joey Salceda, nais nitong gawing transparent ang medical charges sa pamamagitan ng pagsasapubliko ng post standard information, rates ng common o shoppable items at services sa paraan na madaling maiintindihan ng publiko.
Inaatasan din sa panukala ang Secretary of Finance na bigyan ng option o pagpipilian ang mga pasyente para kumuha ng health insurance plan na mayroong low-cost preventive care partikular kung mayroon na itong iniindang chronic disease.
Tinukoy ng mamababatas ang sitwasyon ng ilang indibidwal na kumukuha at nagbabayad ng mahal na health insurance pero hindi naman magamit ang kanilang insurance dahil sa may pre-existing condition pala ang mga ito.