Manila, Philippines – Hindi na dapat imbestigahan ng Palasyo ng Malacañang ang pagkakapatay sa most wanted drug lord ng Western Visayas na si Richard Prevendido.
Ayon kay Magdalo PL Rep. Gary Alejano, maaari namang i-assess ng PNP ang kanilang mga isinagawang operasyon upang malaman at matuto kung saan ang mga pagkukulang at pagkakamali ng mga otoridad.
Sa assessment din ginagawa kung ano pa ang pwedeng i-enhance sa operasyon sa kampanya kontra iligal na droga kaya hindi na kailangan na magsagawa pa ng imbestigasyon ng Malacañang.
Hindi na rin aniya bago ang mga operasyon laban sa iligal na droga at totoo naman aniyang peligro ito kaya hindi na dapat panghimasukan pa ng palasyo.
Pinayuhan ni Alejano ang PNP at Malacañang na tiyakin na nasusunod ng mga pulis ang rules of engagement at due process ng batas.
Ang peligro sa buhay ng mga pulis sa war on drugs ay maiiwasan kung may pagsasanay at sapat na kagamitan ang mga pulis para magawa ang kanilang mandato.