Pagka-delay sa suplay ng pagkain at gamot dahil sa gusot sa Manila Port, ikinabahala ng isang senador

Nangangamba si Committee on Economic Affairs Chairperson Senator Imee Marcos na malagay sa alanganin ang kalusugan at maging ang suplay ng pagkain ng mga taga-Metro Manila kung hindi agad mareresolba ang gusot sa pantalan ng Maynila habang patuloy na kino-kontrol ng gobyerno ang pagkalat ng COVID-19.

Sa impormasyon ni Marcos ay nananatiling naka-tengga lang sa Manila International Container Terminal o MICT ang mahigit sa 800 na 20-foot refrigerated container vans na may lamang mga imported na gamot, pagkain at iba pang mga pangunahing pangangailangan.

Ito ay kabilang sa halos 40,000 container vans na hindi pa rin nailalabas at kasalukuyan pa ring nakatambak sa MICT, bunga ng gusot sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno, port operator at shipping lines at sa kabilang banda naman ang mga importer, broker, forwarders at truckers.


Bilang solusyon ay hinimok ni Marcos ang Philippine Ports Authority na huwag munang maglabas ng anumang Joint Memorandum Circular na magpapatupad ng mas mahigpit na restriksyon sa pag-iimbak ng kargamento at dagdag na multa sa mga overstaying na kargamento.

Naniniwala si Marcos na kung magkakaroon ng pansamantalang suspensyon sa mga import-related na bayarin at multa habang may lockdown ay maiiwasang tumaas ang presyo ng mga imported na gamot at pagkain.

Paliwanag pa ni Marcos, sakaling pansamantalang maalis ang mga bayarin sa pag-iimbak o sa hindi agad masunod na petsa sa pagbaba ng mga kargamento ay mas magpapadali sa mga broker na mailabas agad ang kanilang mga kargamento sa MICT.

Facebook Comments