Pagka-expire ng 2018 Marawi rehab fund, ikinadismaya ng isang Mindanaoan Solon

Dismayado si Deputy Speaker at Basilan Representative Mujiv Hataman sa kapabayaan na ma-expire at hindi magamit ang P406.5 Million 2018 Marawi rehab funds.

Dahil dito, nanawagan si Hataman sa Malakanyang na isailalim sa masusing review ang implementasyon ng rehabilitasyon sa Marawi.

Hiniling ng kongresista na papanagutin ang mga opisyal na responsable dapat sa pagtitiyak na magagamit ang pondo at maipapatupad ng mabilis ang rehabilitasyon.


Tiniyak ni Hataman na gagawin niya ang lahat ng paraan para hindi masayang ang 2019 at 2020 Marawi rehab fund.

Hinikayat din ng mambabatas ang Task Force Bangon Marawi (TFBM) na huwag pabayaang mapaso at ibalik lamang sa national treasury ang iba pang pondo.

Malaki ang panghihinayang ni Hataman dahil marami ang mga paaralan, bahay, at kabuhayan ang hindi naitayo para sa mga biktima ng gyera dahil sa kapabayaan ng iilan.

Samantala, sinabi ni Hataman na tiniyak sa kanya ni House Speaker Alan Peter Cayetano na hindi mangyayari sa Taal recovery fund ang kinahinatnan ng Marawi rehab fund.

Facebook Comments