Pagkaantala sa imprementa at delivery ng national ID, pinapa-solusyunan ng isang senador

Hindi katanggap-tanggap para kay Senator Grace Poe ang paghihintay ng anim na buwan hanggang isang taon para makuha ang National ID.

Bunsod nito ay iginiit ni Poe sa pamahalaan na solusyunan ang pagkaantala sa pag-iimprenta at paghahatid ng National ID na magagamit na katibayan ng pagkakakilanlan sa iisang card.

Ayon kay Poe, nagamit na sana ito ng publiko bilang mapagkakatiwalaang katibayan sa pagkuha ng cash aid, fuel vouchers, benepisyong pangkalusugan at iba pang serbisyong mahigpit na kinakailangan para makaraos sa gitna ng kahirapan.


Dagdag pa ni Poe, napadali na rin sana ang pakikipagtransaksyon sa pamahalaan at pribadong sektor kung naibigay agad ang national ID.

Nananawagan din si Poe sa Philippine Statistics Authority na tiyaking tama ang mga datos sa card at maging maagap sa mga kinakailangang pagbabago rito kung kinakailangan.

Ikinatwiran ni Poe na kalahati na ng populasyon ang nakapagrehistro para sa ID na nangangahulugang binigyan ng mga Pilipino ng halaga at pagkakataon ang programa.

Sabi ni Poe, dapat itong tapatan ng gobyerno ng masigasig na paglilingkod sa pamamagitan ng agarang pagkakaloob ng card.

Facebook Comments