Pagkaantala sa pagsasaayos ng NGCP sa transmission lines, ipinabubusisi ng Senado

Ipinasisiyasat ni Energy Committee Vice Chair Senator Sherwin Gatchalian ang pagkaantala sa pagsasaayos ng electric transmission facilities ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Inihain ni Gatchalian ang Senate Resolution 616 na may layuning tiyakin na may maaasahan at tuluy-tuloy na electric power supply sa bansa.

Dismayado ang senador sa NGCP dahil sa mabagal na implementasyon ng 16 na transmission projects na ikinokonsiderang Energy Projects of National Significance (EPNS).


Ayon kay Gatchalian, sa nasabing 16 na transmission projects, anim lang dito ang nakumpleto o katumbas ng 37.5 percent lang na completion rate hanggang nitong March 2023 pero ang masama aniya rito ay naniningil ang NGCP ng bayad sa consumers para sa delayed projects.

Aniya pa, ang delayed sa implementasyon ng EPNS projects ay delayed na ng hanggang tatlong taon habang ang mga hindi pa nakukumpleto ay inabot na ng limang taon.

Tinukoy rin ni Gatchalian ang 168 na proyekto sa ilalim ng Transmission Development Plan (TDP) kung saan 56 dito ay nasa pre-construction stage, 30 proyekto naman ang hindi pa rin tapos at 138 na proyekto naman ang naantala.

Facebook Comments