Pagkadismaya ng ilang AFP officers, kinumpirma ni Defense Secretary Carlito Galvez Jr., sa Senado

Inamin ni Defense Secretary Carlito Galvez Jr., na may pagtatampo at pagkadismaya ang ilang mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) bunsod ng naudlot na promosyon.

Sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on National Defense and Security, sinabi ni Galvez na nakaapekto sa moral ng mga military official ang pagkaudlot sa kanilang promotion at designation bagay na itinuturo naman ng kalihim na bunga ng bagong batas na nagtatakda ng tatlong taong fixed-term sa mga top military official.

Aniya, ang ‘rumbling’ sa hanay ng mga opisyal ay ‘unintended consequence” o hindi naman sinasadya.


Paliwanag ni Galvez, sa bawat maaantalang promotion tulad na lamang ng sa major service command, apat agad ang maaapektuhan at sa batas na nagtatakda ng tatlong taong fixed term sa mga matataas na opisyal ng militar, nasa 100 hanggang 135 enlisted personnel ang apektado pati na rin ang nasa ibaba na ranggo.

Tiniyak naman ni Galvez na nireresolba na ang isyung ito at posible na mag-normalize na ang sitwasyon para sa lahat bago matapos ang unang quarter.

Ayon pa kay Galvez, matapos siyang maitalaga bilang kalihim ng DND ay ni-request niya kay Pangulong Bongbong Marcos na resolbahin ang isyu sa AFP bago ito lumipad patungong Davos, Switzerland.

Nagpasalamat naman si Galvez kay Pangulong Marcos dahil bago ito umalis ng bansa patungong Switzerland, ay pinirmahan ng pangulo ang mga papel sa naantalang promotion at designation bagama’t may ilan pang mga pending.

Facebook Comments