Pagkahumaling ng mga ahensya ng gobyerno sa PITC, kinuwestyon sa budget hearing ng Senado

Kinuwestyon nina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senator Cynthia Villar ang labis na pagkahumaling sa Philippine International Trading Corp. (PITC) ng mga ahensya ng gobyerno.

Sa budget hearing ng Senado ay sinabi ni Drilon na mahigit P50.7 billion ang pondong nailipat ng iba’t ibang ahensya sa PITC mula noong 2014 hanggang 2020.

Sabi ni Drilon, base sa record ay lumalabas na ipinapasok ng PITC sa money market placements ang mga pondong nilipat dito galing sa ibang ahensya at ang tinutubo ng pera ay idinideklarang dividends na aniya’y mali at labag sa patakaran.


Sabi naman ni Senator Villar, bakit nga ba sobrang inlove ang mga government agencies sa PITC gayong hindi maganda ang naging karanasan niya rito.

Binanggit ni Villar na naglipat dito ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng P400 million noon pang 2016 para ibili ng composting facilities at pagpapagawa ng recycling factories pero hanggang ngayon ay wala pa.

Facebook Comments