*Santiago City- *Papaigtingin ngayon ng pamahalaang Lungsod ng Santiago ang pagsusulong sa organikong pamamaraan ng pagtatanim ng mga gulay upang makamtan ang magandang kalusugan.
Sa naging panayam ng RMN Cauayan kay City Mayor Joseph Salvador Tan, layunin ng programa na makaiwas sa mga sakit kaya’t nanawagan ito sa mga Santiagueños na makiisa dahil naniniwala ito na sa pamamagitan ng pagkain ng mga masusustansyang gulay ay maiiwasan ang mga sakit.
Bilang tugon anya sa naturang programa ay pupulungin nito ang mga Vegetable association upang mabigyan ng kaalaman at susuriin ang kanilang mga ginagamit na kemikal sa pananim.
Nakipag-usap na rin ang alkalde sa mga katuwang na ahensya maging sa Regional Office hinggil sa kanilang programa at anumang oras anya ay kanilang iinspeksyonin ang mga panindang gulay sa palengke upang masuri ang mga ito at masabihan na rin ang mga vendors.
Kaugnay nito ay tututukan na ng City Agriculture Office ang organikong pagtatanim ng mga gulay upang maisagawa ng maayos at matugunan ang layunin ng naturang programa.