Tinawag ni Assistant Minority Leader Arlene Brosas na malaking bahagi ng kasaysayan ang pagsasabatas sa child marriage ban.
Ayon kay Brosas, may-akda ng batas sa Kamara, ang pagiging ganap na batas ng Anti-Child Marriage Act ay isang “major step” sa pagtiyak ng mas pinalakas na proteksyon sa mga kabataan laban sa sexual abuse at iba pang epekto ng maagang pag-aasawa.
Sakto rin aniya na naging batas na ito lalo pa’t nakakaalarma ang pagtaas ng teenage pregnancy ngayon sa gitna ng pandemya.
Napapanahon na aniyang manghimasok ang pamahalaan at pigilan ang problemang ito habang pinoprotektahan at sinusuportahan ang mga serbisyo para sa mga kabataan.
Pinuri din ng Gabriela solon ang mga advocacy groups na masigasig na nagtulak para mapagtibay ang batas.
Sa ilalim ng panukala, ang sinumang solemnizing officers, magulang, guardians o adults na mangunguna, magsasagawa o masasangkot sa child marriage ay mahaharap sa hindi bababa na P40,000 na multa at pagkakakulong ng hanggang 12 taon.