Pagkaka-veto sa Philippine Transportation Safety Board, pinanghihinayangan ni Sen. Grace Poe

Panghihinayang ang naging reaksyon ni Senator Grace Poe sa pagkaka-veto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa panukalang magtatatag ng Philippine Transportation Safety Board.

Ang House Bill 9030 at Senate Bill 1077 ay na-veto ng pangulo sa paniniwalang lilikha lamang umano ang panukala ng duplication, kalituhan sa mga otoridad, kawalang-bisa at kakulangan pagdating sa pagganap ng mga responsibilidad.

Ngunit para kay Poe, ang pagkaka-veto sa panukala ay “unfortunate” kasabay ng babala ng senadora na hindi dapat balewalain ang mga aksidente sa transportasyon.


Tinukoy ng senadora na mula 2016 hanggang 2020, nasa kabuuang 483 na aksidente ang naitala sa maritime sector habang 12,487 naman ang yearly average ng mga namamatay dahil sa mga aksidente sa lansangan.

Sinabi ni Poe na kung susuriing mabuti ang probisyon ng panukala, makikita na lahat ng mga function at mandato ay hindi naman duplicated.

Iginiit pa ng senadora na ang pangangailangan sa pagkakaroon ng isang independent agency na magiimbestiga sa mga transport accidents ay maituturing na isang “global standard” at dapat noon pa ito nabuo.

Facebook Comments