
Walang ibang dapat sisihin sa pagkakaaresto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kundi ang mismong Duterte administration.
Tugon ito ng Palasyo sa mga batikos kung bakit hindi muna dininig ang kaso ng dating pangulo sa Pilipinas bago dalhin sa International Criminal Court (ICC) na nagpapakita lamang na mahina ang justice system ng bansa.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ang dapat na kwestiyunin dito ay ang administrasyong Duterte dahil noong November 2021, humiling ang nakaraang administrasyon sa ICC na suspindihin muna ang imbestigasyon sa war on drugs at nangakong magsasagawa ng sariling pagsisiyasat at papanagutin ang mga may sala.
Pero noong June 2022, bago pa man manumpa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pwesto, sinabi aniya ng ICC prosecutor na hindi natupad ng administrasyong Duterte ang pangakong magsagawa ng imbestigasyon at kasuhan ang mga responsable sa extra judicial killings (EJKs).
Giit ni Castro, ang hindi pagkilos na ito ng administrasyong Duterte ang nag-udyok sa ICC na arestuhin ang dating pangulo at kalauna’y inilipat sa The Hague, Netherlands.
Wala rin aniyang pagkukulang dito ang administrasyong Marcos dahil unang-una, paano nila maipagpapatuloy ang imbestigasyon kung wala namang sinimulan ang Duterte admin.
Sabi ni Castro, mabuti na lamang aniya ay nasimulan ang pagdinig sa Quad Committee sa Kamara at doon na-ungkat ang totoong mga pangyayari war on drugs ni dating Pangulong Duterte.