Iginiit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na seryoso ang pamahalaan sa pagtugis sa mga nasa likod ng pagpapasabog sa Mindanao State University (MSU) sa Marawi City.
Ito’y matapos nilang iulat na naaresto na ang isa sa mga suspek sa pambobomba sa MSU na si Jafar Gamo Sultan na siyang tumatayong kasabwat ng nagdala ng bomba sa Dimaporo Gymnasium.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, ang pagkakahuli kay Sultan ay pagpapakita ng dedikasyon ng gobyerno na mapanagot ang mga salarin sa tinawag nilang terrorist attack.
Kasunod nito, tiniyak ni Trinidad na sisikapin nilang hindi na maulit pa ang nasabing insidente.
Aniya, ang pagkakahuli kay Sultan ay pagtalima sa mandato ng AFP na protektahan ang mamamayan.
Samantala, tuloy-tuloy pa rin ang ginagawang hot pursuit operations ng AFP at Philippine National Police upang madakip ang mga suspek na sina Kadapi Mimbesa alyas Engineer at Arsani Membesa na kilala sa mga alyas na “Lapitos,” “Hatab,” at Khatab na pinaniniwalaang remnants ng Daulah Islamiya Maute group sa Marawi.