Pagkakadawit ni Mayor Toby Tiangco sa listahan ng mga sangkot sa agricultural smuggling, resulta ng palpak na intelligence report

Labis na ikinadismaya ni Senator Nancy Binay ang pagkakasama ni Navotas Mayor Toby Tiangco sa listahan ng mga sangkot sa agricultural smuggling na kasama sa report na inilabas ng Senate committee of the whole.

Giit ni Binay, ang pagkakadawit ni Mayor Tiangco sa smuggling ay resulta ng palpak na intelligence report dahil napaka-imposible at no way na maging protector siya ng smuggiling ng mga Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) products.

Diin ni Binay, si Tiangco ay aktibong lumalaban sa smuggling at diversion ng marine and aquatic products sa Navotas City na inaangkat ng BFAR.


Sa katunayan, ayon kay Binay, sa mga nangyayaring milagro sa entry points sa Navotas, si Mayor Toby mismo ang sumulat sa Department of Agriculture (DA) para i-report ang smuggling pero dedma lang ang DA.

Sabi pa ni Binay, ang city government na mismo ng Navotas ang nag-file ng mga kaso sa Department of Justice (DOJ) laban sa smugglers dahil parang walang pakialam ang DA.

Dagdag pa ni Binay, ang report ng National Intelligence Coordinating Agency o NICA sa Senado ay wala ring sapat na detalye o paliwanag, walang material basis, at produkot lang ng maling hinala.

Ikinatwiran ni Binay na ang intel reports ay dapat nagbibigay ng kalinawan at gabay sa mga senador na pero nakakadismaya na ang NICA reports ay kinuha lang sa pekeng sources at social media posts at kadalasan ay resutla rin ng katamaran at kawalang kakayahan at hindi man lang biniberipika ng NICA.

Nakalulungkot para kay Binay na ang maling intel report ay maaring makasira sa reputasyon ng mga taong inosente.

Facebook Comments