Pagkakadawit ni Senator Mark Villar sa mga naging kontrata ng PrimeWater, hindi intensyon ng Palasyo

Hindi intensyon ng Malacañang na idawit si Senator Mark Villar sa mga naging kontrata ng PrimeWater matapos ang resulta ng imbestigasyon ng Local Water Utilities Administration o LWUA.

Paglilinaw ito ng Palasyo kasunod ng pahayag ni Senator Villar na wala siyang partisipasyon sa operasyon ng prime water na pag-aari ng kanilang pamilya.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, inilahad lamang nila ang datos na mas dumami ang naging deal ng PrimeWater noong 2019, kasabay ng panahong naka-attach sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang LWUA, kung saan si Villar ang kalihim ng nasabing ahensya.

Depensa ni Castro, hindi niya direktang inaakusahan si Senator Villar, lalo’t wala naman daw siyang nabasa na may tuwirang partisipasyon ito sa mga transaksyon ng Prime water.

Pero giit ni Castro, kung sakaling mas naging malalim ang partisipasyon ni Villar sa mga usapin noon, posibleng naiwasan sana ilang isyung kinasasangkutan ngayon ng PrimeWater.

Samantala, inihayag ni Castro na may desisyon na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kaugnay sa isinagawang imbestigasyon sa PrimeWater pero tsaka na muna nila ilalahad ang detalye kapag naasyunan na ang mga reklamo.

Facebook Comments