Iniimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) ang posibleng pagkakadawit ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gerald Bantag sa kaso ng pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.
Kasama si Bantag sa 160 personalidad na itinuturing na persons of interest sa krimen.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo na nire-review nila ang isa sa mga broadcast ni Lapid kung saan posibleng si Bantag ang kanyang pinatatamaan.
“Kung titingnan natin ang mga broadcast niya ay there was no specific talagang allegations na binaggit yung kanyang pangalan maliban dun sa ikukumpara natin na may specific na pangalan siyang sinabi. Subalit meron tayong isang broadcast na tinitingnan na maaaring itong ating Director Bantag ay being alluded to,” ani Fajardo.
“Kasama siya ngayon sa iniimbestigahan natin not only dito nga sa nangyari kay Ka Percy pati na rin doon sa possible liability that resulted to the death of the middleman po,” dagdag niya.
Nagsasagawa na rin ng follow up investigation ang PNP sa mga karagdagang rebelasyon ng gunman na si Joel Escorial.
Pero ayon kay Fajardo, ipinauubaya na nila sa Department of Justice (DOJ) ang pag-iimbestiga sa pagkamatay ng middleman na si Jun Villamor gayundin ang pagpapanagot sa mga opisyal ng Bilibid na mapapatunayang nagpabaya kaya namatay ang middleman.
Samantala, handa rin ang PNP na magbigay ng karagdagang seguridad sa pamilya Mabasa matapos silang makatanggap ng death threats.