Pagkakadeklara kina Ai Ai delas Alas at Director Darryl Yap bilang persona non grata sa Quezon City, walang saysay sa ilalim ng Saligang Batas

Nilinaw ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang kahulugan at epekto ng pagdedeklara ng “persona non grata” laban sa isang indibidwal.

Sabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra, ang isang resolusyon tulad ng isang konseho ay pagpapahayag lamang nila ng sentimyento.

Ayon sa kalihim, wala itong kapangyarihan ng batas o ng isang ordinansa.


Kapag ang isang tao ay idineklarang persona non grata, hindi naman aniya nawawala ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng konstitusyon para sa parehas na proteksyon sa ilalim ng batas.

Ayon pa sa kalihim, wala ring legal na basehan para paalisin sa kaniyang tinitirahan ang taong idineklarang persona non grata dahil bahagi ito ng kaniyang mga karapatan sa ilalim ng konstitusyon.

Ang paglilinaw ng kalihim ay kasunod ng resolusyon ng Quezon City Council na nagdedeklarang persona non grata kina actress na sina Ai-Ai Delas Alas at short film Director Darryl Yap dahil sa sinasabing pambabastos ng mga ito sa official seal ng Quezon City-Local Government Unit (QC-LGU) sa short film kung saan bumida si Delas Alas bilang si “Ligaya Delmonte” na ginamit sa kampanya ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Facebook Comments