
Pinaiimbestigahan ni Pampanga Third District Representative Mica Gonzales sa kaukulang komite ng Kamara ang natuklasang ilegal na factory ng sigarilyo sa Mexico at San Fernando City.
Batayan ng hakbang ni Gonzalez ang raid na isinagawa ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Customs (BOC), Philippine National Police (PNP) at Department of the Interior and Local Government sa naturang mga pabrika kung saan nakumpiska ang 400-million pesos na halaga ng mga sigarilyo.
Ang hirit na imbestigasyon ay nakapaloob sa inihain ni Gonzales na House Resolution 788, na target matukoy ang mga indibidwal lalo na ang mga financiers at utak ng nabanggit na operasyon.
Layunin din ng pagdinig ng Kamara na matugunan ang mga ilegal na gawain na saklaw ng economic sabotage, tax evasion at human trafficking.
Inaasahan na sa pamamagitan ng House inquiry ay mailalatag ang mga amyendang dapat gawin sa mga kaukulang batas tulad sa mga probisyon ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act at Customs Modernization and Tariff Act.
Ito ay upang mabuwag at mahadlangan ang operasyon ng mga ilegal na pabrika sa iba’t ibang panig ng bansa.










