Maaasahan ng publiko ang Philippine National Police (PNP) na poprotektahan ang kanilang mga boto sa darating na halalan laban sa anumang tangkang pandaraya.
Inihayag ito ni PNP Chief PGen. Dionardo Carlos makaraang mahuli ng PNP-Anti Cybercrime Group (ACG) at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang mga hacker na kabilang “XSOX Group” na umangkin sa iligal na pag-access sa Smartmatic system.
Nahuli sa entrapment operation sa Imus, Cavite at Sta. Rosa, Laguna, ang mga suspek na kinilalang sina Joel Adajar Ilagan alyas “Borger”, Adrian de Jesus Martinez alyas “Admin X” at Jeffrey Cruz Limpiado alyas “Brake/Vanguard/Universe/LRR”.
Sila ay kakasuhan ng paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 (RA 10175) ito ay dahil sa kanilang pag-hack ng Smartmatic system, pag-disrupt ng Commission on Elections (COMELEC) website, pag-hack ng Napocor website, pag-hack ng mga credit card at pagpapakalat ng “ransomware”.
Siniguro ni Gen. Carlos na paiigtingin ng PNP ang monitoring sa mga online activity na nagtatangkang manipulahin ang resulta ng eleksyon.