Pagkakaiba ng pondo ng infra projects sa iba’t ibang lugar sa bansa, nasilip sa komite ng Kamara

Ipinagpaliban ng House Committee on Appropriations ang pagdinig sa 2021 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kasunod ng naging mosyon ni Minority Leader Benny Abante.

Ito’y dahil na rin sa hindi pagdalo ni DPWH Secretary Mark Villar bukod pa sa dalawa lang sa anim na undersecretaries ng ahensya ang dumalo sa plenaryo.

Napansin din ni Abante ang hindi maayos na internet connection kung saan bago ipagpaliban, una nang kinuwestyon ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves, Jr. ang pagkakaiba-iba sa pondo ng infrastructure projects sa bawat lugar sa bansa.


Ayon kay Teves, malinaw na bawat distrito ay pantay-pantay na may 10% para sa infra projects.

Paliwanag naman ni Villar na may ilang distrito o lugar na may mataas na pondo para sa infra dahil kadalasan na naroon ang mga itinatayong flagship na proyekto.

Bukod dito, itinanggi din ni Villar ang sinasabing lump sum sa proposed budget ng DPWH para sa taong 2021 kung saan mismong si Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas ang kumuwestiyon nito lalo na’t nakikita ng kongresista ang ₱397.2 billion worth of lump sum sa central office ng DPWH.

Sinabi ni Brosas na tila walang ipinapasa na breakdown ang DPWH sa nasabing lump sum kung saan tila ikinalat lang sa bawat rehiyon ang mga detalye.

Depensa naman ni Villar na napasa nila ang mga detlaye sa bawat proyekto na kanilang isinagawa at ang committee on appropriations na ang siyang makapag-kukumpirma nito.

Nabatid na ang DPWH ang ikatlong ahensya na ipinagpaliban ang pagdinig sa 2021 budget kung saan nauna na ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) at ang Department of Health (DOH).

Facebook Comments