Aminado ang isang political expert na mahirap nang paniwalaan kung kaibigan ba talaga ng China ang Pilipinas.
Kasunod ito ng napaulat na bagong pang-haharass ng China sa mga barko ng Pilipinas na naganap sa loob mismo ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Professor Rommel Banlaoi, isang security analyst, naging problema ito sa bansa dahil ang pagkakaunawa natin ay mayroon tayong understanding sa China na maiiwasan ang mga ganitong klaseng insidente.
Batay sa monitoring ng National Task Force for the West Philippines Sea, nakakapagtaka ang biglang pagdami ng barko ng Chinese militia sa pinag-aagawang teritoryo sa nakalipas na dalawang linggo.
Pinalilibutan ng mga ito ang mga lugar na inaangkin ng Pilipinas.
Sa ngayon, paliwanag ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. na umabot na sa 45 Chinese maritime militia ship ang nasa Pag-asa Island na siyang pinakamataas na bilang ngayong taon.
Malayo rin ito sa normal na bilang ng barko na China na nakikita sa lugar na nasa 20 lamang.