Manila, Philippines – Binara ng Palasyo ng Malacañang si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno matapos nitong sabihin na pag-atake sa demokrasya ng bansa ang impeachment case na kinakaharap nito sa Kongreso.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, mukhang nakalimutan na ng Chief Justice na ang impeachment proceedings ay ginagarantiyahan mismo ng Saligang Batas na niratipikahan ng sambayanang Pilipino.
Sinabi pa nito na isang Constitutional Process ang impeachment na maaaring isampa laban sa isang impeachable official ng gobyerno na nakagawa ng mga impeachable offences na nakapaloob din sa konstitutsyon.
Sa ngayon aniya ay mas magandang hayaan nalang na gumulong ang proseso ng impeachment dahil hawak na ito ng lehislatura na may eksklusibong hurisdiksyon sa impeachment procedure.
Matatandaan na sinabi ni Chief Justice Sereno na ang impeachment case na kinakaharap niya ngayon sa kongreso ay hindi na personal na pag-atake sa kanya kundi sa mismong demokrasya lalo na ang prinsipyo ng separation of powers sa tatlong sangay ng pamahalaan kung saan kabilang ang Hudikatura na kanyang pinamumunuan.