Siniguro ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos na hindi maisasapubliko ang pagkakakilanlan ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) na maiuugnay sa kalakaran ng iligal na droga sa bansa.
Ayon kay Abalos, hindi na ito kailangan pang isapubliko lalo’t daraan naman ito sa masinsinang pagsusuri ng binuong 5 man committee maging ng National Police Commission.
Saka-sakali namang abutin na ng pagreretiro ang mga pulis na mapatutunayang sangkot sa illegal drug trade ay hahayaan nila itong magretiro pero nangako ang kalihim na hindi pa rin sila off the hook.
Sa datos ng PNP, tatlo mula sa 256 na opisyal ng PNP na naghain ng courtesy resignation ay nagretiro na sa puwesto pero sila ay iimbestigahan pa rin ng komite.
Kanina, iniulat ni Secretary of the Interior and Local Government (SILG) Abalos na 95% o 904 na mga koronel at heneral na ang naghain ng kanilang courtesy resignation kung saan nasa halos 50 pa ang kinakailangang magsumite hanggang Jan 31, 2023.