Pagkakakilanlan sa 16 na NPA na nasawi sa engkwentro sa Eastern Samar, nagpapatuloy

Hihingi ng tulong ang Philippine Army (PA) sa forensic team ng Philippine National Police (PNP) para malaman ang pagkakakilanlan ng 16 na miyembro ng New People’s Army (NPA) na nasawi sa pakikipagsagupa sa militar sa Dolores, Eastern Samar kahapon.

Ayon kay Major General Pio Diñoso III, Commander ng 8th Infantry Division ng PA, hindi nila isinasantabi na may mataas na opisyal na nasawi sa engkwentro kaya’t ito ang pilit nilang aalamin.

Aniya, hindi naman daw tatagal ng ilang oras ang engkwentro kung walang malaking tao na pinoprotektahan ang mga NPA.


Matatandaang alas-4:00 ng madaling araw nang magsimula ang bakbakan na tumagal hanggang alas-5:00 ng hapon kahapon.

Ito’y dahil natunton ng mga sundalo ang bomb-making hideout ng mga NPA.

Sa 16 na namatay, 12 ang lalaki at 4 naman ang babae habang wala namang nasawi sa panig ng militar.

Iginiit naman ni Diñoso, na umiwas sila sa “collateral damage” sa operasyon na ito kahit na joint ground, sea at air operation ang mga ginawa kahapon dahil nasa 50 na mga miyembro ng NPA ang kanilang nakalaban.

Facebook Comments