Posibleng madagdagan pa ang mga taong irerekomendang sampahan ng kaso kaugnay sa umano’y nagaganap na anomalya sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Depensa ito ni Department of Justice (DOJ) Sec. Menardo Guevarra kasunod ng pagkadismaya ni Senate President Tito Sotto III, dahil hindi napasama sa rekomendasyong kasuhan sina Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque III at PhilHealth Senior Vice President for Legal Sector Roldolfo del Rosario.
Ayon kay Guevarra, inisyal na ulat pa lang ang kanilang inilabas dahil magsasagawa pa rin ang Task Force ng mas malalimang imbestigasyon at kung may makitang pananagutan ang ilang mga opisyal ng PhilHealth, sila ay posibleng masampahan din ng reklamo.
Naniniwala rin si Guevarra na walang rason para makwestyon ang kanilang report dahil nakatuwang ng Task Force ang Office of the Ombudsman, kung saan inaasahang maisasampa ang mga reklamo laban sa mga tinukoy na PhilHealth key officers.
Kasabay nito, umapela rin sa DOJ si Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera-Dy na ilagay sa Immigration watchlists at maglabas ng hold departure order laban sa mga opisyal ng PhilHealth na isinasangkot sa malawakang kurapsiyon sa loob ng ahensiya.
Habang dapat din aniyang maglabas ng legal authorization para ma-secure ang mga files at computers sa PhilHealth na maaring magamit na ebidensiya sa mga akusado.