Pagkakaloob ng hazard pay at pagtataas ng allowance sa mga guro at iba pang magsisilbi sa halalan, isinusulong sa Kamara

Humirit ang Makabayan Bloc sa Kamara na mabigyan ng COVID-19 hazard pay at itaas ang allowance ng mga guro at iba pang magsisilbi sa darating na halalan sa 2022.

Mula sa House Resolution 2181 na inihain ng Makabayan sa pangunguna ni ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro, pinarerepaso sa Commission on Elections (Comelec) ang ibinibigay na honoraria at allowances para sa mga public school teachers at iba pang poll workers.

Ayon kay ACT Teachers PL Rep. France Castro, marapat na itaas sa P7,000 hanggang P10,000 ang honoraria; P3,000 hanggang P5,000 naman ang travel allowance; at P2,500 ang food allowance.


Katwiran pa ni Castro, bukod sa panganib sa buhay na maaaring kaharapin ng mga guro at poll workers, naririyan din ang banta ng COVID-19.

Hiniling din niya sa Comelec na pagaralan ang pagkakaloob ng COVID-19 daily hazard pay sa lahat ng election service volunteers, upang matapatan ang peligro sa kanilang kaligtasan at kalusugan mula sa virus.

Bukod dito, pinare-review rin sa Comelec ang buong compensation package para sa mga taong magsisilbi sa eleksyon, kasama ang death at medical assistance, legal assistance at indemnification.

Facebook Comments