Pagkakaloob ng subsidy, nakikitang solusyon ng SINAG sa binabarat na presyo ng aning palay ng mga magsasaka

Inirerekomenda ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang pagkakaloob ng subsidiya ng Department of Agriculture (DA) upang makaagapay ang mga magsasaka sa labis-labis na pambabarat ng mga rice trader.

Dumaraing na ang mga magsasaka sa Bulacan dahil binibili na lang sa pitong piso kada kilo ang kanilang ani na halos kasing presyo na umano ng darak.

Ayon kay National Food Authority (NFA) Administrator Larry Lacson, sumaklolo na sila sa mga magsasaka sa Bulacan at Tarlac.

Nakapagpadala na aniya sila ng mga truck doon upang hakutin ang mga aning palay ng mga magsasaka.

Pero, five percent lang ang kinaya nilang mabili dahil puno na ang kanilang mga bodega.

Dahil dito, iminungkahi ni Jayson Cainglet, Executive Director ng SINAG na kung kakayanin, dapat magkaloob ang DA ng mula lima hanggang anim na pisong subsidy upang hindi mawalan ng gana ang mga magsasaka na magtanim ng palay.

Giit ni Cainglet, dapat ding itaas ng NFA ang buying capacity nito upang mas mapalawak ang pamimili nito ng ani ng mga magsasaka.

Facebook Comments