Pagkakaloob ng tulong medikal sa mga dating rebelde, sinelyuhan

Nagkasundo ang Office of the Presidential Adviser for Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) at Department of Health (DOH) sa pagkakaloob ng tulong medikal sa mga dating kalaban ng gobyerno sa ilalim ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients Program.

Ayon kay Presidential Peace Adviser Secretary Carlito Galvez Jr., sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement bibigyan ang mga nagbalik-loob na mga rebelde ng pinalawak na healthcare and medical services sa mga pampublikong ospital sa buong bansa na sasagutin ng pambansang pamahalaan.

Ito’y bukod pa sa ₱58.8-M na taunang alokasyon sa budget ng OPAPRU para sa PhilHealth premium ng mga dating rebelde.


Ani Galvez, testamento ito na determinado ang pamahalaan na pagandahin ang buhay ng mga dating rebelde tungo sa kanilang kumpletong transpormasyon sa mapayapang pamumuhay.

Nabatid na nasa 40,000 dating rebelde ang magiging benipisyaryo ng naturang kasunduan.

Facebook Comments